Nakatakdang patawan ng parusang 'persona non-grata' ang vloggers na sina Rosmar Tan at Rendon Labador matapos komprontahin ang isang staff ng alkalde sa Coron, Palawan kamakailan.
Sa isang Facebook post, ibinahagi ni Sangguniang Bayan member John Patrick Reyes ang draft ng resolusyon na magdedeklara sa mga vloggers bilang persona non-grata sa Coron.
“RESOLVED, as it is hereby RESOLVED, to declare Rendon Labador, Rosemarie Tan Pamulaklakin a.k.a. Rosmar and Marki Tan as persona non-grata in the Municipality of Coron, Palawan for their disrespectful behavior, negative publicity, incitement to conflict, and violation of Republic Act No. 10951, also known as the ‘Property and Damage Penalty Adjustment Act’; Article 153 of the Revised Penal Code; and Republic Act No. 11313, also known as the “Safe Spaces Act (Bawal Bastos Law),” ayon sa draft ng resolusyon.
Inaasahang maaaprubahan ang nasabing resolusyon pagkatapos ng June 24 regular session.
Samantala, sinabi naman ni Coron Mayor Marjo Reyes na gumugulong na ang imbestigasyon sa naganap na insidente.
Nag-ugat ang isyu kasunod ng post ng staff ng alkalde na si Jho Cayabyab Trinidad kung saan sinabi nitong ginamit lamang nina Rendon at Rosmar ang mga residente ng Coron para sa kanilang content o vlog.
"Ginamit nyo lang mga taga Coron para sa mga vlog vlog nyo at socmed......dismayado dahil naghintay sila ng isang oras at gutom...at lalong ginamit nyo mga staff para mag assist sa inyo tapos Wala kayong inabot kahit singkong duling!" ani Trinidad sa kaniyang post.
Kasunod nito, sumugod ang grupo nina Rosmar at Rendon sa tanggapan ng punong bayan kung saan nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo.
Makikita rin sa viral video ang pangduduro at paninigaw nina Tan at Labador kay Trinidad.
Naglabas naman ng pahayag si Labador sa kaniyang Instagram story.
“Pakiusap ko lang sa Mayor at LGU ng Coron, Palawan na huwag na lang i-damay si Rosmar. Ako na lang ang tatanggap ng Persona Non Grata kung ‘yan ang gusto niyong mangyari,” ani Labador.
“Accountable ako sa lahat ng actions ko. Ako ay nagbabagong buhay pero ang prinisipyo at paninidigan para sa tama ay hindi magbabago,” dagdag pa nito.
0 Comments