Breaking News

Advertisement

Konsehal at Chairman ng Barangay Mauway, Mandaluyong, Patay matapos tambangan ng armadong kalalakihan.

BALITA: Patay matapos tambangan ng armadong kalalakihan na sakay ng 2 motorsiklo ang dating piskal na nanilbihan ring Konsehal at Chairman ng Barangay Mauway, Mandaluyong.

Kinilala ang biktima na si Pablito Gahol na bagamat naisugod pa sa Polymedic Hospital ay idineklara ding dead on arrival, matapos magtamo ng tama ng bala ng baril sa ulo at iba pang bahagi ng katawan.

Sa interbyu ng Radyo Pilipinas kay Joey Gallardo, tauhan ng Mandaluyong City Traffic and Parking Management Department, sinabi nito na nangyari ang krimen pasado alas-10 ngayong umaga habang lulan ng kanyang Mercedes Benz ang biktima at binabagtas ang Nueve de Pebrero, tapat lang ng Neptali Gonzales Highschool.

Sinasabing pauwi na ang dating opisyal sa kanilang bahay matapos magsimba nang pagbabarilin, subalit hindi naman nasaktan ang kasamang misis nito na isang doktor. 

Narekober sa crime scene ang ilang basyo ng kalibre kwarentay singko na baril, habang blangko naman ang pamilya ng biktima sa motibo ng pamamaril dahil wala naman itong natatanggap na banta sa kanyang buhay.

Post a Comment

0 Comments