Breaking News

Advertisement

Grade 11 student, Patay sa bugbog at sakal ng pamilya ng nobya.

Nasawi ang isang senior high school student sa Rodriguez, Rizal matapos umanong bugbugin at sakalin ng kaanak ng kaniyang nobya na tutol sa kanilang relasyon.

Kinilala ang biktima na si Ronald John Delgado, 16-anyos.

Ayon sa ulat, Oktubre 29 nang magpaalam umano si Ronald na gagawa siya ng school project kasama ang kasintahan na kaniya ring kaklase at ka-edad.

“Hiniram pa niya ‘yung cellphone ko, tapos sabi niya, saglit lang daw po siya,” kwento ng ina ng biktima.

Sumapit ang hatinggabi ay hindi na umano nakabalik si Ronald. Sinubukan nilang tawagan ang cellphone na dala ng biktima ngunit out of coverage area na raw.

Kinabukasan ng umaga, Oktubre 30, natagpuang patay si Ronald habang nakagapos ang mga kamay sa tabing kalsadang sakop ng Sitio Calumpit, Barangay Macabud sa bayan ng Rodriguez.

Base sa death certificate, pinatay ang biktima sa sakal.

Nagtungo umano ang pulisya kasama ang ilang kaanak ni Ronald sa tahanan ng kasintahan nito upang magtanong ngunit wala raw silang inabutang tao at naka-padlock na ang bahay ng mga ito.

“During our follow up investigation and operation, pinuntahan namin sa bahay, subalit umalis na po sila sa kanilang tahanan,” ani Rodriguez Police Chief Police Lieutenant Colonel Arnulfo Selencio.

“Ang nakikita po namin motibo [rito] ay ang pamilya [ng suspek] ay gustong paghiwalayin ang anak nila doon sa biktima po,” dagdag Selencio.

Ayon sa kwento ng isa sa mga testigo, tutol daw ang mga kaanak ng babae sa pakikipag-relasyon nito kay Ronald.

“’Yung babae raw kasi, naka-arrange marriage na, parang edad na lang babae, para ibigay na siya dun sa (lalaking) ipapakasal,” anang kapatid ni Ronald.

Bago matagpuang patay ang biktima, nakapag-chat pa raw ang kasintahan nito sa kanilang mga kaibigan at sinabing sunduin na si Ronald dahil may problema.

“Sabi niya, puntahan niyo dito si Ron, kasi nahuli kami ng kuya ko, sabi niya baka bugbugin,” anang ina ng biktima.

Kahapon, Nobyembre 14, inihain na ang reklamong murder laban sa pamilya at kasintahan ng biktima, na ngayon ay hindi na rin makita.

“Kung mahal mo talaga ang kapatid ko please, sabihin mo na yung totoo, hindi naman kami magagalit e, magpakita ka lang gusto lang talaga namin ng hustisya,” panawagan ng kapatid ng biktima.

Post a Comment

0 Comments