Tila laking gulat at para umanong binuhusan ng malamig na tubig ang ilang residente sa Dinalupihan, Bataan matapos makita na umabot sa mahigit Php 30,000 ang kanilang water bill na dati nama’y nasa Php 200 hanggang Php 1,000 lang umano kada buwan.
Paliwanag naman ng Dinalupihan Water District, tinamad daw magbasa ng metro ang isa sa mga water reader sa loob ng limang taon. Ibinase lang umano ng naturang empleyado sa mga naunang reading ang pinapabayarang konsumo sa mga kostumer.
“Ganito ang nangyari as far as I know: May isang employee (meter reader) na tinamid magbasa ng metro. Imbes na basahin ang metro, nagbase na lamang mga naunang reading.. LIMANG TAON more or less na paulit-ulit. Nang matuklasan ito, ipinabasa sa ibang meter reader ang mga metro. Nung lumabas ang tunay na reading, may mga nag-bill na halos umabot sa langit ang taas! May 20K, may 70K, my 120K. Kasi naipon ng about 5 years,” ani ng naturang sangay sa kanilang social media page.
Giit naman ng mga residente, “Dapat itinama ang reading para hindi na umabot sa ganon kalaking halaga. Sa kanilang pagkakamali iyon, hindi namin babayaran iyon.”
Tumanggi umanong magbigay ng pahayag ang Dinalupihan Water District ngunit ayon sa post sa kanilang social media, sinabi nitong ipapaliwanag nila sa mga apektadong consumer ang nangyari. Hindi sila papatawan ng penalty at puwede itong hulugan at sinuspende na rin umano ang nagkamaling water reader.
Ani naman ng Water and Sanitation Department ng Local Water Utilities Administration, tama umano ang ginawang hakbang ng Dinalupihan Water District kabilang ang billing adjustment.
Samantala, handa namang makipag-usap ang Dinalupihan Water District sa mga apektadong konsumer upang maayos ang naturang insidente.
0 Comments