Bago pa man nakamit ni Welbert Panglao ang kanyang pangarap na maging isang lisensyadong guro, maraming pagsubok sa buhay ang kanyang hinarap. At kung mayroon mang isang aral sa buhay na gusto niyang ibahagi, ito ay ang hindi pagsuko sa hamon ng buhay.
Ang ama ni Welbert ay isang mangigisda at magsasaka. Habang ang kanyang ina ay isang butihing maybahay. Pangingisda at pagsasaka rin ang mga pinagkukunan ng kita ng pamilya.. Sampu silang magkakapatid kung kaya’t hindi sapat ang kita para sa kanilang araw araw na pangangailangan.Upang makapag-aral sa highschool,naranasan ni Welbert ang maglakad ng dalawang oras makarating lamang ang paaralan. Tinitiis din niyang walang baon kapag pumapasok.
Malaki ang kanyang pasasalamat sa grants na naibigay ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), dahil dito ay naibsan ang kanilang paghihirap lalo na sa mga pangangailangan sa pag-aaral.
Sa pag-alalay ng gobyerno sa kanilang pangangailangan, mas naging determinado pa lalo si Welbert upang makapagtapos ng pag-aaral. Naging motibasyon din ni Welbert ang kaniyang pamilya sa pangarap niyang makapagtapos at makapasa sa Licensure Examination for Teachers.
Maituturing na passion at misyon din ni Welbert ang pagtuturo. Sa bahay, tinuturuan din niya ang kanyang nakakabatang kapatid at mga pamangkin. Sa kanyang pagpupursige na makapag-aral, nakapagtapos si Welbert bilang Cum Laude sa Biliran Province State University.
“Nais ko ring makatulong sa aking pamilya kung kaya ako’y nagpursige na makapagtapos at maging licensed teacher. Masasabi kong passion at mission ko rin ang pagtuturo.
Ako ay nagpapasalamat sa Diyos sa hindi pag-iwan sa aming pamilya . Nagpapasalamat din ako sa ibinigay na assistance ng DSWD 4Ps para ako ay maka-graduate. Salamat na natulungan kaming maiangat ang estado ng aming pamumuhay.”
Habang naghintay si Welbert na makakuha ng LET ay nagtrabaho muna ito upang tuloy tuloy na makatulong sa kanyang pamilya. Ngayong siya ay nakapasa, plano niyang ipagpatuloy ang pagiging isang guro.
Congratulations, Welbert. Ang tagumpay mo ay tagumpay ng programa!
0 Comments