Panganib ang kaakibat ng buwis-buhay na pagtawid ng mga residente sa ilog sa Santa Maria, Laguna, na gumagamit ng sanga ng kahoy upang ipadausdos sa isang kable para lamang makatawid sa kabilang bahagi ng ilog.
Mistula umanong zipline ang kanilang pagtawid, kung saan nakatali lamang sa magkabilang puno ang kable na pinagdadaus-dosan ng sanga ng kahoy na kanilang hawak para makatawid.
Sa ulat, sinasabing may hanging bridge umano rito dati ngunit dahil sa bagyo ay nasira ito at natangay sa ilog.
Kaugnay nito, pinangangambahan ang peligroso na maaaring mangyari sa mga residente kung sakaling pumalya ang kable o makabitiw ang mga ito sa kahoy na gamit sa pagtawid, higit lalo kung mga bata ang natawid.
Dahil rito, nananawagan ang mga residente sa lokal na pamahalaan na mabigyan ng aksyon ito sa pamamagitan ng paglulunsad ng mas maayos na tulay, bagay na pinaplano na rin umano batay sa Office of Municipal Engineer.
Samantala, nakikiusap naman ang ahensiya na ‘wag na umanong gamitin ang zipline sa pagtawid upang maiwasan ang anumang aksidente rito.
0 Comments