Bangkay na nang matagpuan ng mga awtoridad sa Tiaong, Quezon ang isang delivery rider mula San Jose Del Monte, Bulacan na ilang araw na umanong nawawala.
Sa ulat, sinabi ni PLtCol. Marlon Cabatana, hepe ng Tiaong Police Station, na wala silang nakitang anumang palatandaan na pinatay ang biktimang natagpuan sa bahagi ng Brgy. Lumingon nitong nagdaang Martes.
Wala umano itong bakas ng anumang galos o sugat sa katawan, wala ring tama ng bala o saksak, at wala ring palatandaan na sinakal ang biktima.
Matapos matagpuan ang nasabing bangkay, agad na ipinaskil ang larawan nito sa Tiaong MPS Facebook page. Nakatanggap naman umano sila ng tawag mula sa isang babaeng nagngangalang Melody Coralde at positibo niyang kinilala na ang natagpuang bangkay ay ang kanyang kapatid na si Melvin Bedania.
Sa isang panayam, kinumpirma ni Coralde na isang delivery rider ang kaniyang kapatid at huling namataang buhay sa San Jose Del Monte, Bulacan noong gabi ng Agosto 14.
Palaisipan naman sa mga pulisya kung bakit walang natagpuang motorsiklo sa lugar kung saan nakita ang bangkay ni Bedania.
Samantala, napag-alamang kabilang sa drug watch list ang biktima batay sa berepikasyon ng Norzagaray Police Station.
Kinumpirma rin naman ito ng kapatid ng biktima sa mga awtoridad.
Sa kasalukuyan, blangko pa ang mga awtoridad sa pagkakakilanlan ng suspek sa krimen.
Source/Photo: ABS-CBN News
0 Comments