Isang nakagugulat na video ang nakunan kung saan makikita ang isang lalaking Iranian na nakangiti habang naglalakad hawak ang pugot na ulo ng kanyang 17-anyos na asawa matapos ang ginawa umano nitong "honor killing."
Sa kakila-kilabot na footage, makikita si Sajjad Heydari na naglalakad sa Ahvaz, isang lungsod sa timog-kanlurang lalawigan ng Khuzestan, noong Sabado na may hawak na ulo ni Mona Heydari sa isang kamay at isang talim sa kabilang banda, sa ulat ng East2West News.
Ayon sa Women’s Committee ng National Council of Resistance of Iran, Si Mona na pinsan din ni Sajjad, ay napilitang pakasalan ito noong siya ay 12 taong gulang pa lamang.
Nakaranas rin umano ng pang-aabuso si Mona ngunit pinilit na manatili para sa kapakanan ng kanilang 3-taong-gulang na anak, kahit na humiling na ito ng divorce.
Nakatakas na noon si Mona bumalik umano pagkatapos na mahirapan na mamuhay nang mag-isa sa Turkey.
Makalipas ang ilang araw, itinali umano ni Sajjad at ng kanyang kapatid ang kanyang mga kamay at pinutol ang kanyang ulo.
Itinapon na umano ang kanyang katawan bago pa ipinarada ng kanyang asawa sa lansangan ang kanyang ulo.
Ayon sa mga awtoridad, “family differences” ang motibo sa pagpatay.
Inaresto na umano ang dalawang lalaki, ngunit hindi pa malinaw kung anong parusa ang posibleng kaharapin nila.
Ayon kay Abbas Hosseini-Pouya, Prosecutor General ng Ahvaz, nagpadala si Mona ng mga larawan ng kanyang sarili sa kanyang asawa mula sa Turkey na nagpasigla sa kanyang "negatibong emosyon," ayon sa Iran International.
Sinabi rin ng naturang komite ng kababaihan na walang isang linggo na lumilipas nang walang anumang uri ng honor killing na laman ng balita.
Samantala, naiulat na isinara ang state-run news agency na Rokna matapos nitong i-publish ang nakakakilabot na video.
0 Comments