KORONADAL CITY — IPINALIWANAG ngayon ng City Veterinary Office ng Koronadal ang nature at pag-uugali ng isang king cobra na tinatawag din na diamond snake o "banakon".
Ito'y matapos king cobra umano ang nanuklaw-patay sa isang 62-anyos na magsasaka na kinilalang si Ramon Bermoy na residente ng Sitio Libas, Barangay San Vicente, bayan ng Banga, South Cotabato.
Sa interview ng Brigada News FM Koronadal kay Dr. Charlemagne Calo, city veterinarian ng Koronadal, inihayag nito na umaabot sa limang talampakan ang haba ng isang matured ng isang "banakon" at hindi umano ito madalas na nagpapakita sa tao.
Ngunit paliwanag ni Calo na agresibong ahas ang king cobra lalo na kung pinapaki-alaman ang nesting ground o iniitlogan nito. Ngunit hindi naman umano ito umaatake kung walang banta sa kanyang buhay.
Dahil makamandag o venomous, tumatagal lamang ng limang minuto ang buhay ng taong natutuklaw nito lalo na kung hindi agad mabibigyan ng anti-venom.
Sinabi ni Calo na maliban sa dalawang pangil, may maliliit din na ngipin ang diamond snake na ikinokonsiderang endangered species dahil sa kanilang kukunti na lamang na populasyon.
May pakinabang din umano ito dahil binabalanse nito ang ecosystem sa pamamagitan ng pagkain ng maliliit na mga makamandag na ahas at iba pang hayop.
Hiling na lamang ni Calo sa publiko lalo na sa mga magsasaka na mag-ingat sa kanilang pinupuntahan upang maiwasan ang anumang kagat ng ahas.
0 Comments